Sunday, December 8, 2019

Paano Magluto Ng Masarap Na Paksiw




Paksiw na sakto sa asim at asin mmmmmm sarap!😄

Mga Sangkap:
1 kilo isda (malinis na)
1 tasa suka
luya kasing laki ng hinlalaking daliri (hiniwa)
3 butil ng bawang (dinikdik)
5 piraso siling haba
asin at paminta na panimpla

Paraan ng Pagluluto:
1. Ilagay ng maayos sa kaldero ang lahat ng mga sangkap, takpan at lutuin sa katamtamang init ng apoy.Hayaang kumulo sa loob ng 7 minuto.
2. Timplahang maigi ng asin at paminta, kung gusto mo ng masmarami ang sabaw pwedeng dagdagan ng suka at kung masyadong maasim ang suka dagdagan ng kaunting tubig para maneutralize ang asim. Ituloy ang pagpapakulo sa loob ng 3 minuto at patayin ang apoy.
3. Ihain kasama ang kanin.

Ang pagluluto ng isda kung ilang minuto ay depende sa laki at kapal nito. Kapag nasa 1 inch lang ang kapal maluluto ito sa loob ng 10 minuto.

Thursday, December 5, 2019

Egg Sisig

Alam ko familiar kayo sa sisig, pero nakarinig na ba kayo ng sisig na itlog?  Well, ito na ang sisig na mamahalin nyo ng buong puso lalo na ng mga ayaw sa carne, masarap at madaling lutuin.
Ako ang unang nagluto nito kasi wala sa internet kahit isearch nyo :) Mga sangkap:

3 piraso itlog  (binati)
2 piraso siling haba (chopped)
3 piraso kalamansi ( kinatas)
2 butil bawang (dinikdik)
1 sibuyas (hiniwa ng maliliit)
paminta at asin na panimpla

Paraan ng Pagluluto:

1.  Pirituhin ang itlog at hiwain ng maliliit.
2. Igisa ang bawang, sibuyas at sili,  kapag medyo brown na ay ilagay ang hiniwang pritong itlog saka haluing maigi, saka ilagay ang katas ng kalamansi at timplahan ng asin at paminta ayon sa iyong panlasa, haluing maigi at patayin ang apoy pagkatapos ng isang minuto.
3. Ilagay ang dahon ng sibuyas bago ihain :)

Ang sarap nito!

Wednesday, December 4, 2019

Paano Lutuin Ang Halabos na Hipon



Ang halabos na hipon ang sinaunang paraan ng pagluluto ng hipon nang hindi pa uso ang kuryente, para matagal bago ito masira kahit hindi nakalagay sa refrigerator. Niluluto ito, na asin lang ang nilalagay para mapreserve.

Mga  Sangkap

1/2 kilo hipon
1/2 kutsarita asin

Paraan ng pagluluto:

1. Painitin ang kawali saka ilagay ang hipon at asin, sa malakas na apoy lutuin ito at madalas haluin hanggang sa maluto.
2. Kapag luto na ito pwede na itong iulam o ilagay sa garapon at takpang maigi para hindi kaagad masira.





Tuesday, December 3, 2019

Paano Gawin Ang Cheesy Bola-bola



Patok na patok sa mga bata ang bola-bolang ito dahil cheesy na masarap pa.

Mga sangkap:
1 kilo giniling na baka (pwedeng palitan ng baboy o manok)
1 piraso malaking green bell pepper (maliliit na hiwa)
1 piraso malaking red bell pepper (maliliit na hiwa)
1 piraso sibuyas (maliliit na hiwa)
asin ayon sa iyong panlasa
paminta ayon sa iyong panlasa
keso (diced)
mantika- pangprito


Paraan ng pagluluto:
1. Pagsama-samahin ang lahat ng sangkap at haluing maigi. Hatiin sa 12 na pantay pantay na bahagi.
2. Bawat bahagi ay pormahing bola-bola at palamanan ng keso, bilugin maigi na talagang selyado ang keso.






3. Initin ang mantika saka prituhin sa katamtamang init ng apoy ang bola-bola para unti-unting maluto pati loob, dahil kung malakas na malakas ang apoy, ang mangyayari sunog na ang labas pero ang loob ay hilaw pa.
4. Kapag luto na ay hanguin ito, patuluin ang mantika sa paper towel, at ihaing kasama ng paborito mong sawsawan.

Monday, December 2, 2019

Paano Magluto Ng Crispy Tahong




Masarap ang potahe na ito, malutong at malinamnam, subukan nyo.

Mga Sangkap:
1/2 kilo tahong
1 tasa harina
1 tasa bread crumbs o Panko
1 itlog binati kasama ang 1/4 tasa na tubig
kunting asin at paminta
mantika para pagprituhan

Paraan ng Pagluluto:
1. Isangag o pakuluan ang tahong hanggang sa maluto, palamigin at alisin ang laman. Timplahan ng kaunting asin at paminta ang laman ng tahong.
2. Pagulungin ito sa harina, pagkatapos ay isawsaw sa itlog at pagulungin sa bread crumbs.



harina, itlog, panko



3. Initin ang mantika at prituhing palubog ang tahong, kapag luto na ay hanguin ito.
4. Ihain kasama ng anomang sawsawan o salad.

Thursday, November 28, 2019

Paano Magluto Ng Masarap Na Adobong Baboy




Ang adobo ay isang uri ng pagluluto na ginagamitan ng suka at toyo. Maraming iba't ibang sangkap ang pwedeng gawing adobo ( gulay, lamang dagat, mga carne).Marami ring paraan ng pagluluto nito mula sa iba't ibang panig ng Pilipinas. Kung gusto mong masarap ang adobo, gayahin mo itong ibabahagi ko.

Mga sangkap:
1 kilo baboy (hiniwa)
1/2  tasa toyo
3/4 tasa suka
4 butil ng bawang (dinikdik)
pamintang durog ( ayon sa iyong panlasa
asin ayon sa iyong panlasa
2 tasa  tubig.

Paraan ng Pagluluto:
1. Igisa ang bawang hanggang sa medyo brown na ito saka ilagay ang karne ng baboy, lagyan ng asin at paminta ayon sa iyong panlasa, sangkutsain ito ng 3 minuto.
2. Ilagay ang toyo at suka, hintaying kumulo saka haluin, dahil kung hahaluin ito na hindi pa kumukulo ang suka nakakaapekto ito sa texture ng karne.Pakuluin ng 5 minuto.
3. Ilagay ang tubig, ituloy ang pagpapakulo, hanggang sa malapit ng lumambot at haluin paminsan minsan. Kapag malambot na ay patayin ang apoy, hanguin ang carne at patitisin ang sabaw. Ilagay sa isang tabi ang kalderong may sabaw.
4. Mag-init ng mantika, prituhin ang adobo hanggang sa maging medyo brown. Kapag tapos na ang prosesong ito ay ibalik sa kaldero na pinagkuhaan nito, sa katamtamang init ng apoy ay isalang ito hanggang sa tuluyan ng lumambot ang karne at lumapot ang sabaw ng adobo.
5. Ihain kasama ng kanin, maghugas ng kamay dahil magkakamay tayo :-).
Ang sarap nito mga kabayan, subukan na.

Kung gusto nyong iimprove ang lasa sa pamamagitan ng paglagay ng mga powder na panimpla nasa sa inyo na po yon.

Paalala:
Mag ingat sa pagpipirito nito, dahil tumatalsik ang mantika, takpan ang kawali habang pinipirito para maiwasang matalsikan ang sinoman.

Saturday, November 23, 2019

Inihaw na Giniling




Nakakain na po ba kayo ng inihaw na giniling na karne? Kung hindi pa dapat subukan nyo ang recipe na ito, mapapawow kayo sa sarap :-).

Mga sangkap:
1 kilo giniling na baka
1 piraso malaking green bell pepper (maliliit na hiwa)
1 piraso malaking red bell pepper (maliliit na hiwa)
1 piraso sibuyas (maliliit na hiwa)
asin ayon sa iyong panlasa
paminta ayon sa iyong panlasa
12 piraso barbecue stick


Paraan ng pagluluto:
1. Pagsama-samahin ang lahat ng sangkap at haluing maigi. Ilagay sa refrigerator ng overnight bago lutuin. Para mas maganda ang texture ng karne kapag iihawin na.


2. Alisin sa refrigerator at haluing maigi at hatiin sa 10-12 na bahagi. Bawat bahagi ay huhulmahin sa kamay na parang longganisa.
3. Kapag nahulma na ay itusok ang barbecue stick saka ihawin hanggang sa maluto. Sa pag iihaw dapat di katamtaman lang ang init para maluto hanggang sa loob pero hindi sunog ang labas na bahagi.

4. Kapag luto na ay pwede na itong ihain. 

Hindi na kailangang gamitan ng harina at itlog dahil habang hinahalo ang giniling nabrebreak ang meat protein kaya nagdidikitdikit itong kusa kahit di lagyan ng harina at itlog.

Kung gusto nyong iimprove ang lasa sa pamamagitan ng paglagay ng mga powder na panimpla (beef powder, vetsin, etc.) nasa sa inyo na po yon.

Search This Blog