Thursday, November 21, 2019

Paano Lutuin Ang Masarap na Inihaw na Baboy



Ang inihaw na baboy ay isa sa mga paborito kong ulam, mmmmm sarap lalo na kapag ang sawsawan mo ay nanonoot sa dila ang lasa, pagkagat mo ng inihaw mapapapikit ka sa sarap :-). Masarap na parte para sa inihaw ay ang liempo dahil ito ay kombinasyon ng laman at taba, juicy ang inihaw kapag maykasamang taba.

Mga sangkap:
1 kilo liempo ng baboy (hiniwa na pang ihaw)
1/2 tasa  katas ng calamansi
1/2 tasa  ng toyo
asin ayon sa iyong panlasa (pero kung ang toyo ay sapat sa alat di na kailangan maglagay ng asin)
pamintang durog ayon sa iyong panlasa


Paraan ng Pagluluto:
1. Pagsamasamahin ang lahat ng sangkap at ibabad ng 30 minuto bago lutuin.
2. Alisin sa pinagbabaran at huwag itapon ang katas ng pinagbabaran dahil ipapahid natin ito sa carne habang iniihaw. Kung walang katas ang pinagbabaran pwedeng gumawa ng toyo at calamansi na ipapahid sa carne habang iniihaw ito. Nakakatulong ito para lalong sumarap ang inihaw.
3. Kapag luto na ay hiwain ayon sa laki na gusto mo at ihain kasama ng kanin at paborito mong sawsawan.

Kung gusto nyong iimprove ang lasa sa pamamagitan ng paglagay ng mga powder na panimpla nasa sa inyo na po yon.

English Version
Ingredients:
  • 1 kilo pork belly ( sliced to a grilling size)
  • 1/2 cup calamansi or lemon juice
  • 1/2 cup soy sauce ( if salty, no need to season the pork with salt)
  • black pepper to taste
Procedure:
  1. Combine all the ingredients and marinate it for 30 minutes.
  2. Grill the pork belly and by using the marinade, baste the pork belly, and continue cooking until done.
  3. Slice to bite size when it’s done then serve rice and your favorite dipping sauce.


If you want to improve the taste of grilled pork by putting powdered flavor enhancer, it’s up to you.

Tuesday, November 19, 2019

Paano Lutuin Ang Masarap na Macaroni Sopas





Ang sopas na macaroni ay karaniwang inihahanda bilang almusal o meryenda lalo na kapag medyo malamig ang panahon. Madaling lutuin at abot kaya ang halaga ng mga sangkap. Ikaw kabayan, kailan mo ito ihahanda para sa pamilya mo? Ito ang paraan ko ng madaling paghahanda ng sopas na ito. Sana magustuhan nyo.


Mga sangkap:
1/4 kilo elbow macaroni
1/4 kilo manok (hiniwa ng maliliit)
1/4 kilo repolyo (hiniwa)
1 piraso carrot (hiniwa)
1 tasa all purpose cream ( nestle, magnolia,etc)
3 butil ng bawang ( dinikdik)
1 buo sibuyas (hiniwa ng maliliit)
1 litro tubig
1 maliit na lata ng gatas (evaporada)
asin ayon sa iyong panlasa
paminta ayon sa iyong panlasa


Paraan ng pagluluto :
1. Igisa ang bawang at sibuyas saka ilagay ang manok, sangkutsahing maigi para maalis ang lansa, pagkatapos ng prosesong ito ay ilagay ang tubig saka pakuluin.
2. Kapag kumulo na ay ilagay ang macaroni at lutuin sa katamtamang init ng apoy, timplahan ayon sa iyong panlasa.
3. Kapag malapit ng maluto ay ilagay ang evaporada at all purpose cream, haluing maigi, pakuluin hanggang sa malambot na ang macaroni pero di naman malata.
4. Ilagay ang lahat ng natitirang sangkap at patayin ang apoy pagkatapos ng isang kulo.
5. Lagyan ng garnish bago ihain para lalong magustuhan ng mga mahal mo sa buhay. :-)

Kung gusto nyong iimprove ang lasa sa pamamagitan ng paglalagay ng mga powder na panimpla ay nasa sa inyo na po yon.

Friday, November 15, 2019

Paano Lutuin Ang Atay Ng Manok Na May Sarsa


Ang atay ng manok ay sagana sa Bitamina A na tumutulong pampalinaw ng mata at Bitamina B12 na tumutulong maiwasan ang anemia, pero mayroon itong mataas na content ng colesterol kaya dapat kumain lang ng katamtaman.Sagana rin ito sa folate na tumutulong para makalikha ng mga bagong celula sa ating katawan. Paborito ko ang atay ng manok, ikaw rin ba kabayan gusto mo ang atay ng manok?

Mga Sangkap:
1 kilo atay ng manok (hugasan at patulin ang tubig)
1/2 tasa toyo
1 tasa tubig (dagdagan kung kailangan)
bell pepper pula at green
1 sibuyas (hiniwa ng maliliit)
3 butil ng bawang dinikdik
1 kutsara luya hiniwa (strips)
dahon ng sibuyas
asin ayos sa iyong panlasa
paminta ayon sa iyong panlasa
1 kutsarita corn starch tunawin sa 2 kutsarang tubig

Paraan ng pagluluto:
1. Gisahin ang luya, bawang at sibuyas lakasan ang apoy saka ilagay ang atay hayaang magisa ito sa loob ng 2 minuto saka ilagay ang toyo at pakuluin ng 1 minuto.
2. Ilagay ang tubig at haluing maigi, timplahan ng asin at paminta kung kailangan saka pakuluin ng 3 minuto o  hanggang sa malapit ng maluto ang atay.
3.Ilagay ang corn starch at pakuluin hanggang sa lumapot, haluin ng haluin habang nilalagay ang cornstarch para di mamuo, ilagay ang bell pepper at sibuyas saka patayin ang apoy at ihain.

Huwag i-over cooked para hindi matigas ang texture ng atay.

Kung gusto nyong iimprove ang lasa sa pamamagitan ng paglagay ng mga powder na panimpla nasa sa inyo na po yon.

Monday, November 11, 2019

Paano Gawin Ang Sago Salad




Isa sa mga paborito kong ginagawa kapag may special na okasyon a ang sago salad, maraming pwede ilagay dito, nasa sa inyo na po kung ano ang mga idagdag nyong sangkap.

Mga Sangkap:


1/2 kilo sago (lutuin at salain, hugasan para maalis ang malagkit na texture)
2 lata  Gatas Condensada (malaki)
2 lata All purpose cream (Nestle, Magnolia, etc)
1 lata Gatas Evaporada
2 Mangga hinog( hiniwa ng dice)
1 apple (hiniwa ng dice)
3 saging lakatan (hiniwa ng dice)
1/2 tasa pasas

Paraan ng Paggawa:


1. Pagsama-samahin ang lahat ng mga sangkap at haluing maigi.
2. Palamigin saka ihain.




Tuesday, November 5, 2019

Paano Gawin Ang Macaroni Salad


Ang macaroni salad ay isa sa mga maituturing na special na potahe sa mga special na handaan, masarap at malinamnam kaya gustong gusto ito ng karamihan bata man o matanda. Madali lang ang pagawa nito.

Mga Sangkap:
3/4 kilo elbow macaroni
2 lata gatas na condensada
6 tetra pack All purpose cream
1 malaki lata fruit cocktail
1 tasa pasas
1/2 tasa mayonaise
1 tasa keso (diced)

Paraan ng Pagluluto:
1. Lutuin ang macaroni ayon sa instruction na nakasulat sa package nito. Pagkatapos maluto, patuluin ang tubig at hintaying lumamig.
2. Paghaluin ang lutong macaroni at lahat ng mga sangkap at palamigin sa refrigerator bago i-serve.

Friday, November 1, 2019

Ensaladang Camote





Mmmmmm super sarap! Yong combinasyon ng flavor ng lahat ng ingredients pagnatikman mo parang ayaw mo ng tigilan sa pagsubo 😀 ginawa ko ito para subukan lang kung masarap ba o hindi, pero nagulat ako sa resulta, masarap pala, pati mga kaibigan ko na pinatikim ko natuwa sa sarap.


Mga sangkap:
1/2 kilo camote
2 kutsara katas ng calamansi
2 kutsara olive oil or kahit ordinaryong mantika
1 buo kamatis (hiniwa)
2 kutsara hiniwa na dahon ng sibuyas
1 kutsara hiniwa na parsley o kinchay(pwede ring wala ito)
asit at paminta panimpla



Paraan ng Pagluluto:
1. Ilaga ang kamote at kapag luto na ay balatan ito at hiwaan ng pa-cubes.
2. Pagsamahin ang calamansi, oil, asin at paminta, haluing maigi at ayusin ang timpla ayon sa iyong panlasa, ilagay ang camatis, sibuyas at parsley at haluing maigi.


 3. Ibuhos sa camote ang sauce mixture at haluing maigi, at pwede ng ihain.

Thursday, October 24, 2019

Paano Gawin Ang Crispy Talong


Simple lang gawin ito at ang mga batang hindi mahilig sa talong sigurado kakainin ito lalo na kapag masarap ang sawsawan na ihahanda mo😀

Mga Sangkap:
3 pirasong talong na katamtaman ang laki
1 piraso itlog (binati) kasama ang 1/4 tasa na tubig
1 tasa harina
1 tasa breadcrumbs o panko
asin at paminta na panimpla
mantika na pagpiprituhan

Paraan ng Pagluluto:
1. Linisin ang talong at hatiin sa gitna pagkatapos ay hatiin ng pahaba para maging sticks.

 2. Pagulungin sa harina pagkatapos ay isawsaw sa itlog at pagulungin sa breadcrumbs.



3. Initin ang mantika at prituhing palubog (deep fry) ang talong.
4. Kapag luto na ay hanguin at ilagay sa paper towel para maalis ang mantika saka ihain kasama ng sawsawan. 

Search This Blog